katext logo enhance your text life
Search:   
Home  ·  Search  ·   Invite  ·   Partners  ·  Help Signup  ·   Login



5:32 PM Friday, October 2, 2009 - 1 comments
nakita ko ang tanong sa isa sa Forums dito. masarap na mapag-usapan 'to. sci-fi stuff. ala-Nostradamus. majority siguro, iwi-wish na may power sila na ganito. mala-X-Men! parang si Prof. X. pero boring na ang buhay pag nakikita mo ang mangyayari bukas...

> bukas lilindol! intensity 7. maraming guguhong building. matatabunan ang mga tao. syet! bukas ang date ko sa nililigawan ko, bukas niya rin ako sasagutin...

> magagalit ang boss ko mamaya, nabisto niya ang pang-uumit ko ng cash sa kaha. pero ang pagbibintangan yung kahera. masisisante ang kahera. isusumbong ako sa asawa niya. pag-uwi ko sa Martes ipagugulpi niya ako sa asawa niya. magsasama pa ng barkada. masasaksak ako...

> yehey! matutuloy na rin ang Europe trip namin next month. ang ganda talaga sa Rome. sa Italy. sa France....

> matatanggap na ako sa trabaho sa Monday. mabibisto ng isang bagong officemate ko na bakla ako. pagtsitismisan nila ako. magre-resign ako sa trabaho. made-depress. magsu-suicide...

> tatama ako sa lotto sa next draw! 150 million pesos. jackpot! titira ako sa malayong lugar. yung walang kapitbahay. may magtatangka sa buhay ng pamilya ko. hindi na kami makakapag-mall kahit kailan...

> mamamatay ako bukas. darating ang nanay ko sa burol na mula pagkasilang hindi ko nakilala...

sensya na morbid ang naisip kong puwedeng makita sa future. kasi, ang excitement ng ngayon ay kung ano ba talaga ang mangyayari bukas. lagi kong sinasabi, hindi ako naniniwala sa Future. hindi rin ako naniniwala sa Past. they do not exist. cos if they do, i do not exist in the Present...



4:25 PM Wednesday, September 16, 2009 - 2 comments
nadaanan kong nagtu-tumbang preso yung mga bata sa kanto namin. pinanood ko. medyo nalito ako. binago na ang gameplay!

nung di pa uso ang internet, ps3, wii, psp at kung ano-ano pa, larong kalye ang libangan namin noon. matagal na. wag nang itanong kung kelan yon. isa sa nasa top 5 kalye games ang tumbang preso.

ilan ang kailangang manlalaro: kahit ilan. basta't naglabasan na ang mga bata sa kalye. at nagkayayaan.

ano ang kailangan sa paglalaro: tsinelas at basyong lata ng darigold, alaska, carnation, o milkmaid! [wala pang century tuna nun!] di pwede lata ng sardinas. lalo na ng rosebowl. malapad kasi yon. sa tsinelas naman, kahit ano. wag lang yung sa kapitbahay nyo. wag lang yung tinapyas na bota at ginawang tsinelas. masakit makatama yon! hindi rin pwede yung kahoy na bakya. lalo na ang high heels!

ano ang dapat tandaan at gawin: uina, siguraduhing walang panis na gatas ang basyong lata. ambaho ng amoy nun! para makasiguro, itaktak ang lata. pag walang gatas na lumabas, pwede na yon. mas magandang lata yung sa darigold. yung maliit! kelangan kasing pitpitin yon hanggang halos flat na. pero wag namang flat na flat. di na tutumba yon. kaya nga 'tumbang preso' ang laro. pero ang percentage ng pinitpit na lata: 80% nakatayo. 20% nakatumba!

umpisa ng laro: ompyang muna. ba't nga ba tinawag na ompyang yon, no? exciting sa akin 'to. 'eto kasi yung may isisigaw pang: 'PUTI ALIS!' ibig sabihin, pag ang palad mo nakatihaya, safe ka na. o kaya 'ALIS PARAMI'. ibig sabihin, yung majority ng nakatiyahang palad o nakataob na kamay, safe na uli. ang malupit yung 'ALIS TAYA!' nagkakapikunan na yan. eto pag atat na ang lahat. basta maraming variety ang ompyang. dapat sa audition sa reality shows, ganyan ang gawin. PATAS yan. suwertehan talaga. at walang DAYAAN.

paano ang laro: gumuhit ng mahabang linya na 'base' ng hindi taya, o yung 'preso'. dapat hindi ka lalampas sa linya, kasi tatayain ka ng preso pag nakalampas ka sa linya. ihanda ang tsinelas. ispatin ang lata na nasa gitna na binabantayan ng taya. tirahin ng malakas ang lata. pag tinamaan... gumulong... habang umiikot-ikot hanggang mapunta sa pusali o kanal, takbo na at kunin naman ang tsinelas na inihagis. hahabulin ka ngayon ng taya. at pag na-'touch' ka niya, dasal ka na, na nakatumba ang lata dahil pag hindi, ikaw na ang next na taya.

exciting di ba?

pero mas exciting ang tumbang preso pag lahat na e nakatira na, pero nakatayo pa rin ang lata! eto na yung 'haragan'. sabay-sabay na tatakbo ang lahat para kunin ang tsinelas nila. kawawa ka pag malayo ang tinapunan ng tsinelas mo, malamang na ikaw ang mataya. pero may trick dyan. dahil di ka pa naman taya hangga't hindi nakatumba ang lata di ba? may 'bayani' na tinatawag. eto yung ang target niya yung lata mismo. pag sinabing 'go!' at nagtakbuhan na, ang gagawin ng bayani, diretso sa lata, sisipain niya ng pagkalakas-lakas. pagtulpit ng lata, ang pobreng taya di malaman kung hahabulin ang lata o mananaya muna! sayang kasi ang effort niya sa pangta-touch kung tumba naman ang lata. balagong ang labas niya.

eto pa ang isang trick ng 'bayani'. hahawakan niya yung lata at itataob habang hawak-hawak. madaya di ba? at madalas na pagsimulan ng suntukan. kasi, kahit hawak ng bayani ang lata, pwede namang sipain ng taya yon. kadalasan, nasisipa yung nakahawak sa lata. PIKUNAN! SUNTUKAN NA! wooohooo!

kaya nagtaka ako sa the new tumbang preso. ang lata nila, hindi pinitpit. yung Angel condensada pa. yung kinokomersyal ni Juday. tapos ang bawat tumira, pag hindi tinamaan ang lata, pupuntahan na agad nila yung tsinelas nila tapos tatayo sila sa puwesto nun.

bakit ganyan ang laro nyo? tanong ko sa bata. ganito po talaga e. sagot niya. di na ko kumibo. panahon na nga naman nila. sila naman ang naglalaro.

naisip ko. nagbago ang gameplay ng tumbang preso. pero hindi ang excitement na dulot nito sa mga batang naglalaro. masaya sila. sigawan. takbuhan. pikunan pa rin. nandon pa rin yung asaran... 'Balagong! Balagong may tae sa ilong!'

saka may isang bagay din pala na hindi nagbago sa larong tumbang preso.

si nanay o si tatay. eto na... pingot sa tenga at ang walang kamatayang litanyang... 'Putris ka! Kaliligo mo lang, pawis na pawis ka na naman! Hala! Uwi!'
5:35 PM Monday, September 14, 2009 - 3 comments
tagal ko nang walang blog dito ah! ten years na!
teka, isip nga ako. yung pwede nang pagtiyagaan ng ilang minuto.
yung di nakakainip na kababawan. yung ako.

eto unang pumasok sa utak ko. cavite. nagpupunta kami dito tuwing araw ng maynila. o piyesta ng san juan.
panata na ng lola ko.taon-taon yan. mula nung elementary ako 'gang college, ginagawa namin.

maniwala kayo o hindi, excursion ito ng barangay namin. hanggang may makakapasok sa bus na inaarkila ng lola ko, sige lang.
thrilling bumiyahe pag piyesta ng san juan o araw ng maynila. basaan ang selebrasyon sa san juan mismo, pero ewan ba't hanggang kahabaan ng cavite, nagbabasaan ang mga tao!

binabasa yung mga nasa sasakyan. pero yan ang isa sa inaabangan namin pag pupunta ng cavite para mag-beach.

opo, para mag-beach. puwede rin sanang para mag-ani ng tahong, pero sa ibang kuwentuhan yon.

low-class na beach lang nakayanan namin - mula noon hanggang ngayon. Lido Beach! alam nyo bang nakita ko ang mga pagbabago sa beach na ito dahil mula nga elementary hanggang college, taon-taon, nagpupunta kami dito.

nagpunta uli pala kami some two years ago, ganon pa rin. may mga basura na galing sa iba't ibang lugar ng pilipinas. pero 'mature' na 'ko e. di na ako naligo. kinililabutan kasi ako sa dami ng basura. nung minsan kinapitan pa ako ng sanitary napkin sa braso ko. hanggang ngayon pa naman, sa edad kong ito, takot pa rin ako sa sea monsters!

pero walang sea monsters sa Lido Beach, kahit si Jaws, hindi mabubuhay don sa laksa ng basurang paroo't parito sa saliw ng hampas ng alon. naks, poetic yan!

masarap nung bata ka. tapos nasa beach ka. pakialam mo ba sa skin cancer na mataas ang risk nito pagsapit ng alas diyes ng umaga hanggang alas tres ng hapon. ang alam mo lang, maalat ang dagat. at sa kasisisid mo sa Lido Beach, ilang segundo lang e para ka nang bilasang isda sa pula ng mga mata mo.

ganon ako nun. nasunog nga ang balat ko sa likod - nalapnos na parang binanlian ng kumukulong tubig! - sa init ng araw. dahil lang yon sa sandcastle na natapos ang maghapon, pader lang ang nagawa ko. bakat pa rin sa likod ko ang iniwang memorya ng araw na yon.

bakit ko ba ba naisip ang Lido Beach? dahil sa lola ko. habang sinusulat ko nga ito, nakikita ko siya, solo na nagtatampisaw sa mababaw na parte ng beach. usually, mag a alas kwatro ng hapon maglulunoy si Lola sa tubig. lasing na siya. nakailang serbesa na. at isa ako sa kukulitin. umalayo naman ako sa Lola ko pag ganon na ang sitwasyon. nangungurot kasi. ewan ko. trip niya yon e. basta nalasing siya.

pero madalas solo lang siya. nakaupo sa buhanginan. mapula na rin ang mga mata.siguro dahil sa alak. siguro dahil sa alat ng tubig dagat. pero ngayon ko lang naisip, umiiyak pala ang lola ko. ewan. hindi ko alam. hindi ko na malalaman ang dahilan niya. matagal na siyang patay e. kaya naputol na rin ang excursion ng barangay sa Lido Beach.

isang araw, bibisitahin ko uli ang Lido Beach. hindi ko iisiping ang dami ng basura. basta sisisid ako doon kahit mamula ang mga mata ko. gagawa uli ako ng sandcastle (pero magpapayong na ako!). nanamnamin ang kabataan sa alingasngas ng bawat hampas ng alon.

at sasabihin ko sa Lola ko, alam ko na kung bakit siya umiiyak.

mananatili ang Lido Beach. pero isang araw, tulad niya, mawawala rin sa piling ng mga taong mahal na mahal niya...
11:54 PM Sunday, March 15, 2009 - 2 comments
bakit pag namamatay ang tao puro kabutihan niya ang napag-uusapan?
nung nabubuhay naman siya halos kapangitan niya ang napagdidiskitahan.
hindi ako mabuting tao. hindi din naman ako ubod ng sama.
pero sa sampung utos ng diyos na natutunan ko (dahil ako'y katoliko), mahigit sa tatlo siguro ang sinuway ko.
mapupunta na kaya ako sa impiyerno?
mahirap magbilang ng kabutihang nagawa mo e.
yun bang pagbubulsa ko ng balat ng kendi counted na kabutihan?
wala naman kasi akong maraming pera para mag-donate ng isang kapilya sa barangay.
nakapagmumura ako. pero generous din naman ako sa pamumuri.
pero kadalasan, pambobola daw yon pag sa bibig ko na namutawi.

kung gagawa ako ng balance sheet ng kabutihan at kasamaan na nagawa ko...
ano kaya ang mas matimbang?
habang nabubuhay ka laging ipapaalala sa yo ng mga taong nakapaligid sa yo ang kasamaan mo.
kahit na sanrekwang kabutihan pa ang nagawa mo.
yung kuntil na pagkakamali mo, yun at yun ang ipamumukha sa yo.
siguro dahil mas mahirap kalimutan yun.
kaya pag ako ay namatay mas gusto kong lahat ng kasamaan ko ang pag-usapan.
para naman kung lahat yun e hindi ko naihingi ng kapatawaran sa Itaas
yun ang ipagdarasal ng mga maiiwan ko.

amen.

2:27 PM Friday, March 6, 2009 - 0 comments

Francis Magalona, acknowledged as the Philippine's Master Rapper,died earlier today, March 6, after a long battle with leukemia.

Francis's death was announced on national television by Vic Sotto in Eat Bulaga! a few minutes ago. Before his treatment, Francis used to co-host the longest-running noontime show being aired on GMA-7.

Francis was 44.

12:27 AM Monday, March 2, 2009 - 2 comments
mahirap maging writer. walang pera. gutom. may pagkakataong nakatunganga. may mga oras na nakatulala. kinakausap mo sarili mo. sumasagot naman. delikado pag di kayo nagkasundo at nagtalo. buti di pa nangyayari sa akin yun.

mahirap maging writer. lalo na sa showbiz. mababaw. tsismis. may pattern ang pagtatanong. may kaplastikan. alam mo na agad ang sagot sa itatanong mo. nakaamba lagi ang libel. sabi pa ng prof ko nung college: 'mediocre mind talk about people.' ewan kung tama siya.

mahirap maging writer. pag fiction sinulat mo pero medyo related sa sitwasyon mo. nung nakaraan. yung ngayon. sa hinaharap. minsan pinaniniwalaan. may pinagkikibit-balikat. minsan 'lol' ang comment.

mahirap maging writer. katunayan may ideya ako ngayon. pero sa tulin ng utak ko. eto ang lumabas. nag-unahan sa finish line lahat ng sasabihin ko. mabagal kasi ang mga daliri ko.

masarap magsulat. kakaibang karanasan. nasasabi mo kung ano ang nasa saloobin mo. minsan nakakasagasa. minsan nakakapikon. minsan.. wala lang. gusto mo lang.

masarap magsulat. ito ang mundo ko. noon. ngayon...siguro hanggang sa kabilang buhay.

masarap magsulat. pero hindi sa lahat ng pagkakataon may punto ito. malikot na imahinasyon. kakatwang insidente. nakita mo yung crush mo. iba't ibang pananaw. kung totoo sa yo ang nabasa mo di sinasadya na nasapol ko.

sa puntod ko...pakilagay mo: 'he tried all his life to rewrite his existence but all in vain...'
10:30 PM Saturday, February 28, 2009 - 1 comments
When the unfaithfulness of the wife became known, they quarelled.

The guy killed his wife.

Their 5-year-old kid was still sleeping and the neighbors never did find out.

So it was a perfect crime.

The kid didn't notice his mother was missing even after a day or two passed.

So the father talked to his son, "Do you have anything to ask me?"

The kid said, "Nothing. It's just that...

How come Mom is always is always at your back?"


2:27 PM Wednesday, February 18, 2009 - 6 comments

last na to.

ewan kong babasahin mo pa.
pero di na yon mahalaga.
wala namang kuwenta e.

e ano ba kung nami-miss kita?
e ano ba kung gusto kitang makita?
e ano ba kung sa isang text mo lang, napakasaya ko na?
e ano ba kung talagang wala ka na?
e ano ba ko sa buhay mo?
e ano nga ba?

di wala. dumaan na hangin.
yung may kasamang puwing.
kinusot mo pa kasi!
naiyak ka tuloy.
kaya okey na siguro yun...
na minsan kitang napuwing.

tagos naman yun sa alaala mo e.
sa puso mo.
sa bawat linya ng kantang ibinigay ko sa yo.
sa lasa ng alak.
sa amoy ng sigarilyo.
sa pizza. sa kfc. sa sbarro.
sa amoy ng aircon.
sa roses.
sa lahat-lahat.

pero seryoso.
bahagi ka lagi ng mga kuwento ko.
bida ka.kahit wala ka na.
di ko na binilang ang taon.
kung bibilangin ko nga ang mga oras na nakasama ka, wala pang isang araw yata e.
di ba?

gusto kong umiyak.
di dahil di na kita makikita.
gusto kong umiyak.
dahil sabi mo, lagi mo naman akong naaalala.

salamat.

yoko na ng drama.
masaya ka na sa piling niya.
mahal ka niya.
mahal mo siya.
ang saya-saya nga ng mga pictures n’yo e.

kaya last na talaga ‘to.
kahit di na mahalaga siguro.

isa para sa yo.

mahal kita.

paalam na.



[e ano kung madrama to? bat mo binasa?]


2:40 PM Monday, February 16, 2009 - 2 comments
tapos na.
habang papalayo siya.
naisip mo...naramdaman mo.
wala na talaga.
yung pagmamahal. malamig na.
pati yung last kiss niya. wala nang kuryente.
kausap mo siya. pero lumilipad ang isip mo.
sa nakaraan.
yung umpisa.
yung musika ang bawat pagtawa niya.
yung ngiti niyang nakakakumpleto ng araw.
kahit na yung walang saysay na mga kuwento niya.
kinakapa mo sa puso mo.
nasaan na ba?
magandang alaala na lang.
hanggang doon na lang.
sana hindi na kayo muling nagkita.
masarap kasi na nami-miss mo pa siya.
pero ngayon...
alam mo na.
mahal mo pa siya.
pero sa alaala na lang.
hindi na ngayon.
nang wala na siya sa paningin mo.
napangiti ka.
kasi pag-uwi mo.
alam mong dadatnan mo.
yung taong mahal ka ngayon.
at sa mga darating na araw.

sana...
mahalin mo na rin talaga siya.

[kinompos habang nanonood ng Gremlins]



2:35 PM Thursday, January 29, 2009 - 1 comments
my heart skips a beat..
then ...
yea.
well..
so...
beautiful.. your eyes.
maybe then..
right.
the stars..
from the moment ***
----




[damn, why can't i just say that 'I LOVE YOU!']



8:14 AM Thursday, January 29, 2009 - 1 comments
parang carousel.
paikot-ikot.
makulay.
masarap sakyan.
nakakahilo.

parang ferris wheel.
nasa taas.
nasa baba.
paikot-ikot.
nakakalula.

parang rollercoaster.
simula mabagal.
tapos mabilis.
may loop.
dahan-dahan ang pag-akyat.
mabilis ang pababa.
exciting.

parang freak show.
nakakatakot.
nakakatawa.
abnormal.
nakakagulat ang stunts.

parang tayo.
unpredictable.
paikot-ikot.
may mga bawal na tanong.
may mga sagot na ayaw sabihin.
simpleng 'mahal kita'
hirap banggitin.

para tayong perya.
may side shows.
may rides.
may popcorn.
may icecream.
may clown.
may mascot.
may tayaan.
taya tayo nang taya.
taya nang taya.
gusto natin manalo.
sa dulo talo pa rin.

may tiket.

exciting ang entrance.
gusto mo na bang mag-exit?


[nakompos nang wala pang almusal!]
2:44 PM Friday, January 23, 2009 - 1 comments
truth is nothing but an honest lie
concocted in deceit by sanity
not mine

speak of truth
they will despise
lash out your lies
they will believe
and sigh

truth is nothing but an honest lie
lovely thorns wrapped around
a fragrant pronged-tongue

i am the truth
you cannot believe
i am your lies
and the candy-coated honesty
you ignored
you failed
to see

truth is nothing but an honest lie
the dazzling reality
in a short-lived ride
on a spinning carousel
of this so-called
life.
2:28 PM Friday, January 23, 2009 - 4 comments
malamig sa impiyerno

walang apoy
walang kumukulong asupre
walang sigawan
walang mga  panaghoy

walang mga demonyo
wala si satanas
wala si lucifer
wala si beelzebub
wala kang kasama

wala lahat

wala kang makikita
wala kang maririnig
nakakabingi ang katahimikan
walang umpisa
walang katapusan

puno ng katahimikan
puno ng kalungkutan

hungkag
blangko
kadiliman

yun ang impiyerno
napuntahan ko
tiyak
babalikan ko
masama
kasi
ako

2:01 PM Tuesday, January 20, 2009 - 4 comments

Masaya ka ba?

 

Oo.

Kasi nakatira na ako sa bagong condo ko.

Bayad na ‘yung bagong kotse ko.

May bagong raket ang talent ko.

Maraming komersyal.

May TV show.

Next month, punta ako ng Hong Kong.

Nakuha ko na ‘yung budget sa next raket ko.

Ang ganda ng bagong cellphone ko.

Okay ang lovelife ko.

Approved na ‘yung bagong credit card ko.

Excited na ako sa blessing nitong condo.

May theme na ako sa birthday ko.

Ano pa ba?

Ah, ‘yung negosyo ko, kumikita na kahit papaano.

Basta, masaya ako!

 

Sagot ‘yan ng kaibigan ko.

Nainggit tuloy ako.

Kanina naka-receive ako ng text message.

Patay na siya.

Nag-suicide.

Sa suicide note na iniwan niya.

Sabi niya, hindi na siya masaya.

Tanungin ko man kung bakit, di na niya masasagot.

 

Masaya rin ba ako?

Oo.

Masaya ako…

 

 

12:42 PM Monday, January 19, 2009 - 8 comments
fiesta sa amin kahapon. masaya. magulo. maingay. lamon galore. inumang umaatikabo. daming lasing. nagkalat sa kalsada lahat ng klaseng tao. bata. matanda. lalake. babae. baklang naka-darna. tomboy na may magandang syota. si kapitan ng barangay. si konsehal. si kagawad. si bantay. si kuting. lahat nagsasaya. fiesta e. minsan lang naman bawat taon mangyari. e ano kung may financial crisis sa mundo? sa amin di ramdam yan. pag hinihimas na e redhorse. sanmig light. gin bulag. red wine. tuba. lambanog. sukang iloko. suka ni totoy na sa sobrang kalasingan bumulagta na sa basurahan. tuloy ang saya. 67278. yan ang numero don sa videokeng kakantahin ko.

ang haba-haba din ng prusisyon. dinispley ng mga tao mga iba't ibang bersyon ng patron. me naka-pulis. bumbero. hip-hop. rocker. nakahubad. parang si buddha. me dalang prutas. me punumpuno ng alahas. ang ingay-ingay. ang saya-saya. ang daming bakla. ang daming pakyut. daming magsyota na nagtrip sumama sa prusisyon. panay naman PDA (public display of attention). ang dami-dami talagang tao. ang layo tuloy ng sakayan papuntang esem.

pauwi. nadaanan ko lasing na halos mga tao. dancefloor na ang gitna ng kalsada. motel na yung sa sulok-sulok. iba na ang alingasaw ng hangin. amoy gulo. amoy basagan na ng ulo. mabuti wala habang kami ay papauwi. iwas tumingin sa mga lasenggo. baka mapaaway. lahat matatapang na e. nilukuban na ng iba't ibang espiritu.

tuloy pa rin ang kasiyahan. ilang dipa lang ang layo. me videoke. karaoke. me dance party. me nagbi-breakdance. me nagda-dance na naka-panty. fiesta kasi. minsan lang naman. pati hagdanan patungo sa ikaapat na palapag ng aking tirahan me nag-iinuman. dumadagundong pa ang bagong stereo ng kapitbahay ko. okay lang. fiesta naman e. alas nueve na ng gabi.

yun ang pinoy. me excuse sa lahat ng bagay.
excuse para maglasing sa gitna ng kalsada at mangbulahaw ng walang patumangga - fiesta!
excuse para makipagbasagan ng bungo pag lango na sa gin bulag - fiesta!
excuse para makakain ng lahat ng ibinawal ng doktor - fiesta!
excuse para makikain sa lahat ng kakilala - fiesta!
excuse para kumanta kahit na sintunado at masakit sa tenga - fiesta!

pero ang masarap at magandang excuse para sa lahat - excuse para magkasama-sama ang magkakalayong pamilya kahit na isang araw lang. magpakalasing. lumamon galore. mag-videoke. mangbulahaw ng kapitbahay. magsayaw sa gitna ng kalsada - fiesta!

kaya sisigaw na rin ako...

VIVA! VIVA! STO. NINO!

[kahit na hate ko minsan ang fiesta]





« Last Page  |  viewing entries 1-15 of 16  |  Next Page »