 |
Culture shock
12:06 AM on Thursday, July 2, 2009
Wow! Maynila.Yes! `Yan ang first reaction ko nung sabihin sa `min ng tatay ko na lilipat na kami sa Maynila. Buong buhay ko kasama ng pamilya ko umiikot-ikot lang sa probinsya namin. Minsan isang taon lang kung magpunta kami sa Maynila. Tapos isang linggo lang. May mga taon din na di kami nakakapunta. Kapag bakasyon namin dito, ako at ang mga kapatid ko nangangawit ang leeg kakatingala sa mga billboard. Ganun naman siguro talaga pag galing ka ng bundok o kaya isla tapos mapupunta ka sa syudad.
Incoming fourth year high school ako nung lumipat kami. Akala noong una madali lang ang mag-adjust. Ang nasa isip ko kasi, pare-parehong tao lang din naman ang papakiharapan ko. Ini-imagine ko pa na magkakaroon ako ng maraming kaibigan, sasalihan ko lahat ng activities sa school at magiging masaya ako lalo na at nasa city na ako. Abot kamay ang SM, Mcdo, Jollibee, at kung anu-ano pa. Pero hindi pala ganun kadali ang pag-a-adjust.
Una muna sa baon. Sa probinsya, kahit 10 pesos lang baon mo solb ka na, dito..hanep! Di ka pa matitingahan! Yung banana cue 2 piso lang sa min, dito 10. Grabe!Nanghihinayang talaga ako noon sa gagastusin ko pero wala naman akong magawa kasi gutom na ako.
Sunod sa mga kaklase. Masyado silang..uhmm pano ko ba sasabihin yun. Wild sila. Nakakatakot pa itsura nung ibang kong kaklaseng lalaki. Mukhang kagagaling sa kulungan. Tapos ang gugulo nila. Lahat na yata ng kalokohan alam. Yung mga babae naman ewan ko ba kung may hiya sa katawan. Pati yung sex life nila pinagtsi-tsismisan. Kung ginagawa nila yon bahala sila sa buhay nila pero yung pagkwentuhan pa nilang magkakaibigan tapos marami pang nakakarinig uber to da max na ata.
Na culture shock ako. Nakakatawa, nakakahiya kasi 15 na ako takot akong pumasok sa school. Makita ko pa lang ung puting gate ng school namin nanginginig na tuhod ko. Umaatras ako kalimitan. Hindi alam ng mga magulang ko na di ako pumapasok. May lugar lang akong pinupuntahan para magpalipas ng oras. 2 o 3 beses isang linggo lang ako kung pumasok. Magugulat pa mga kaklase ko kapag pumasok ako. Kaya ayun mababa grades ko.
Hindi ako bobo. Hindi sa pagbubuhat ng bangko. Mula nung first year high school pinakamababa ko na ang grade na 83. Nahihiya pa ako kung makakuha ako nun. Kasama ako sa SSC dun. Nag-iba nga lang nung lumipat kami dito.
Nung malaman ng mga magulang ko na minsan lang ako pumasok katakot-takot na sermon at palo inabot ko. Sa edad kong yun pinapalo pa ako. Yung nanay ko halos umiyak na kakapakiusap sa kin para pumasok lang. Pero nagmamatigas ako. Ayoko talagang pumasok. Hindi ko naman masabi sa kanilang natatakot ako. Mas pinili kong paluin at mamula ng balat sa palo kesa ang pumasok.
Pinupuntahan ako ng kaibigan ko para pilitin din akong pumasok. Buti na nga lang nagkaroon pa ako ng kaibigan eh. Di kasi sya tulad ng iba. Manang din syang katulad ko. Ibinibigay nya sa akin ang notes at assignments. May pagkakataon pa ngang buong notebook sya nagsulat ng notes para sa kin kasi ipapasa as project sa teacher. Salamat sa kanya. Kahit na ngayon sa pagkakataong sinusulat ko ito, may cold war kami.
Hate na hate ko talaga ang senior year ko sa high school. Hindi ako nag-enjoy. Kasalanan ko rin siguro dahil hindi ako naka-adopt sa bagong lugar. Mahirap pala. Para kang isang halaman na kung kelan ka inugatan na sa isang lugar e saka ka bubunutin para ilipat sa iba.Tandang-tanda ko pa kung pano ako umiyak gabi-gabi habang sinasabing "Gusto ko nang umuwi". Paulit-ulit yun. Kahit alam kong dito na ang tirahan ko.Wala na akong ibang uuwian pa kundi dito rin. Wala akong magagawa kundi ang tanggapin ang katotohanang iba na ang mundong ginagalawan ko. Hindi na ang malawak na bukirin, taniman ng rambutan at lanzones, malinis na ilog at malamig na papag ang lugar ko kundi dito sa paroo't paritong sasakyan, nagtataasang gusali, kulay brown o kaya'y itim na ilog na may kasama pang amoy.
...Salamat at makalipas ang mahigit 4 na taon, nakasabay na rin ako sa agos ng buhay dito sa Maynila.
|